Bumagal ang inflation rate nitong buwan ng Pebrero sa gitna ng bumababa na halaga ng mga pagkain at utilities, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ni Deputy National Statistician at PSA Assistant Secretary Divina Gracia del Prado ang inflation nitong nakalipas na buwan ay naitala sa 2.1%.
Ang inflation ang sumusukat kung magkano ang pagtaas sa presyo ng consumer goods at services.
Ito ay mas mababa sa 2.9% inflation na naitala noong buwan ng Enero.
Ito rin ang pinakamababa na inflation buhat noong September 2024.
Ayon kay Del Prado, ang pangunahing dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Pebrero 2025 kaysa noong Enero 2025 ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages sa antas na 2.6%.
Nag-ambag ng 58.8% ang Food and Non-Alcoholic Beverages index sa kabuuang pagbaba ng inflation.
Ito ay bunsod ng unti-unting pagbaba sa presyo ng mga gulay, tubers, at iba pa sa 7.1% mula sa 21.1%.
Ang pangalawang contributor sa pagbaba ng inflation nitong Pebrero ay ang index ng housing, water, electricity, at iba pang fuels na may rate na 1.6% mula sa 2.2% at may ambag na 16.7% sa kabuuang paghina ng inflation.
Pangatlo naman ang transport bunsod na rin sa pagbaba sa presyo ng langis.