Posibleng lumampas sa 6 porsyento ang inflation sa Pilipinas noong Abril dahil sa pagtaas ng presyo ng enerhiya na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa pahayag ng BSP, tinatayang nasa 5.6% hanggang 6.4% ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon.

Ayon sa BSP, mas tumindi ang mga panganib sa inflation dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa, pati na rin ang pagmahal ng ilang pangunahing pagkain tulad ng bigas, isda, at karne. Nadagdag din ang epekto ng mas mataas na singil sa kuryente at paghina ng piso.

Gayunman, sinabi ng BSP na maaaring makatulong ang inaasahang pagbaba ng presyo ng gulay at prutas para bahagyang mapigil ang pagtaas ng inflation.

Patuloy naman umanong mino-monitor ng central bank ang galaw ng presyo dahil nananatili pa rin ang mga panganib na maaaring magpataas pa nito sa mga susunod na buwan.

-- ADVERTISEMENT --