Tumigil na sa pagpapakawala ng tubig ang Ipo Dam sa Central Luzon, kasunod ng tuluyang pagbaba ng antas nito.

Batay sa August-21 report na inilabas ng Hydrology Division ng state weather bureau, nasa 100.93 meters na lamang ang antas ng tubig sa naturang dam – ilang sentimetrong mas mababa kumpara sa Normal High Water Level nito na 101.10 meters.

Unang nagbukas ng gate ang naturang dam nitong Miyerkules (Aug. 19), kasunod ng pag-apaw ng antas ng tubig nito dahil sa mabibigat na pag-ulang dala ng habagat.

Sa kabilang banda, patuloy na nagpapakawala ng tubig ang dalawang iba pang major dams sa Luzon na Binga Dam at Ambuklao Dam.

Nananatili kasing mataas ang antas ng tubig sa mga naturang dam dahil sa nagpapatuloy na pag-ulan sa watershed area ng mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonpaman, mas mababa na ang bulto ng tubig na pumapasok sa mga ito kumpara sa mga nakalipas na araw.

Nabawasan na rin ang bulto ng tubig na pinapakawalan ng dalawang dam kung kumpara kahapon at sa mga nakalipas na araw.