
Naglunsad ang Iran ng panibagong mga pag-atake sa buong Middle East ngayong araw at nagbanta ng “mapanirang” paghihiganti matapos ang babala ni US President Donald Trump na dapat buksan ng Tehran ang Strait of Hormuz.
Iniulat ng Israel, Kuwait, at United Arab Emirates ang sunod-sunod na missile at drone strike nitong Lunes ng umaga.
Kasabay nito, pinaigting ng Tehran ang matitinding pahayag laban kay Trump.
Nagbabala ang central military command ng Iran ng “mas higit pang mapanirang” ganti sakaling pupuntiryahin ang civilian targets.
Ang babala ay ilang oras matapos magbanta si Trump na sisirain ang mga imprastrakturang sibilyan ng Iran at iginiit na sumunod ito sa kanyang kondisyon na muling buksan ang Strait of Hormuz.
Halos isinara ng Iran ang Strait of Hormuz — isang mahalagang daanan ng enerhiya — na nag-udyok kay Trump na maglabas ng matinding pahayag na nag-uutos na ito ay buksan.
Sa kasunod na post, nagtakda pa siya ng panibagong deadline na Martes, alas-8 ng gabi para buksan ang strait o mahaharap ang Iran ng mas matinding pag-atake sa kanilang power plants at mga tulay.










