
Nagbabala ang military adviser ng Iran na si Mohsen Rezaei na palulubugin ng kanilang bansa ang mga barko ng United States kung susubukan nitong kontrolin ang Strait of Hormuz.
Ang pahayag ay kasunod ng pagpapatupad ng US ng military blockade sa naturang rutang pandagat matapos harangin ng Iran ang mga barko sa gitna ng mahigit anim na linggong digmaan.
Kasalukuyang may umiiral na dalawang linggong tigil-putukan.
Ayon kay Rezaei, handa ang Iran na gumamit ng missiles laban sa mga barko ng US at itinuturing itong banta sa kanilang seguridad.
Dagdag pa niya, hindi siya pabor sa pagpapalawig ng ceasefire.
Si Rezaei ay dating pinuno ng Islamic Revolutionary Guard Corps at kasalukuyang tagapayo ni Supreme Leader Mojtaba Khamenei.
Samantala, nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon habang may mga negosasyon sa pagitan ng Iran at US na isinasagawa sa Pakistan sa pangunguna ni Mohammad Bagher Ghalibaf.










