
Nagpakawala ang Iran ng mga missile at drone laban sa mga target ng United States sa Jordan, Kuwait, Iraq at Bahrain, kasunod ng panibagong pag-atake ng US sa Iran.
Ayon sa Iranian Red Crescent, lima ang nasawi, kabilang ang isang bata, at mahigit 50 ang nasugatan matapos tamaan ng mga bomba mula sa US missile ang isang bahay na pinagdausan ng wedding celebration sa Sirik, southern Iran. Iginiit naman ng US military na hindi nito target ang mga sibilyan.
Iniulat na nakapag-intercept ang Jordan ng 13 Iranian ballistic missiles, habang iniulat naman ng Kuwait ang pagresponde nito sa missile attacks. May mga pagsabog din na naiulat sa Bahrain at sa Kurdistan region ng Iraq.
Ang panibagong palitan ng pag-atake ay kasunod ng muling pagsiklab ng tensiyon sa pagitan ng US at Iran matapos ang ilang buwang paghinto ng labanan. Kabilang sa mga pinagtatalunang isyu ang operasyon sa Strait of Hormuz, kung saan may mga pag-atake rin sa shipping vessels.










