Ilang tanker na may kargang langis mula Iran ang napilitang bumalik sa mga pantalan ng Iran matapos harangin ng Estados Unidos sa Strait of Hormuz, batay sa ship-tracking data.

Ayon sa Kpler at SynMax satellite analysis, bumaba nang malaki ang daloy ng barko sa mahalagang rutang ito matapos sumiklab ang digmaan ng U.S. at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28. Mula sa karaniwang 125 hanggang 140 barko kada araw, pito na lamang ang dumaan sa nagdaang araw, at wala ni isa ang may kargang langis para sa pandaigdigang merkado.

Sinabi ng US military na nakapigil na sila sa 37 barko mula noong Abril 13 nang ipatupad ng Estados Unidos ang blockade sa mga Iran-related shipping operations. Samantala, nagpataw rin ng sariling restriksyon ang Iran sa pagdaan ng mga barko sa nasabing kipot.

Ayon sa ulat ng TankerTrackers.com, tinatayang 10.5 milyong bariles ng langis ang dala ng anim na tanker na pinabalik sa Iran nitong mga nakaraang araw. May ilang barko naman na nakalusot, kabilang ang dalawang tanker na may humigit-kumulang apat na milyong bariles na nakatakdang tumungo sa Asya.

Sinabi ng Clarksons, isang ship broker, na parehong nagdudulot ng pagkaantala sa shipping ang mga hakbang ng Iran at Estados Unidos sa rehiyon. Ayon naman sa International Maritime Organization sa pamamagitan ni Secretary-General Arsenio Dominguez, libu-libong seafarer ang naiipit sa loob ng Golpo at posibleng maharap sa panganib at matinding stress habang tumatagal ang sitwasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Tinatayang dumadaan sa Strait of Hormuz ang humigit-kumulang 20 porsyento ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas, kaya’t patuloy ang pangamba sa epekto nito sa global trade at seguridad sa dagat.