
Pinayagan na ng Iran ang Pilipinas na libreng dumaan sa Strait of Hormuz ang mga barkong may dala ng mga produktong langis.
Ito ang inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos ang pakikipag-usap sa telepono sa pagitan nina DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro at Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Araghchi.
Ayon kay Lazaro, naging “very productive” ang kanilang phone conversation noong Abril 2 kay Araghchi kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa.
Mahalaga aniya ang “positive” na development na ito para sa Pilipinas dahil masisiguro ang kaligtasan ng mga Pinoy seafarers sa Middle East at ang tuluy-tuloy na suplay ng enerhiya sa bansa.
Nilinaw naman ni DFA spokesperson Analyn Ratonel na walang sisingiling toll fee ang Iran sa Pilipinas.
Ang pag-uusap ng dalawang bansa ay bunsod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DFA na makipag-ugnayan sa Iran para makadaan ang barko sa Strait of Hormuz dulot na rin ng tensyon sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.




