
Inihayag ni US President Donald Trump na malapit na umanong makamit ng Estados Unidos at Iran ang isang kasunduang pangkapayapaan, at iginiit na pumayag na ang Tehran na isuko ang kanilang enriched uranium.
Nauna nang nagbabala ang US na muling magsasagawa ng airstrikes at magpapatupad ng naval blockade kung hindi papayag ang Iran sa kasunduan kaugnay ng sigalot na nagsimula noong Pebrero 28.
Kasabay nito, nagsimula na rin ang 10-araw na tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Lebanon, bagama’t wala pang malinaw na pahayag ang Hezbollah kung kinikilala nila ito.
Gayunman, sinabi ng militar ng Israel na nagsagawa sila ng pag-atake laban sa mga rocket launcher ng Hezbollah bago magsimula ang tigil-putukan.
Samantala, nagpahayag ang Iran na maingat sila sa usapang pangkapayapaan sa US, habang binigyang-diin nito na hindi matatawaran ang kanilang karapatan sa uranium enrichment, kahit bukas sila sa negosasyon.
Patuloy na iginiit ng US na dapat mapigilan ang Iran sa pagbuo ng nuclear weapons bilang bahagi ng anumang kasunduan.










