
Inaasahan ng Estados Unidos na matatapos ang operasyon nito laban sa Iran sa loob ng ilang linggo, hindi buwan, ayon kay US State Secretary Marco Rubio.
Sinabi ni Rubio sa mga mamamahayag matapos makipagpulong sa mga kapwa niya opisyal mula sa G7 sa France na ang operasyon ng US ay nasa tamang takbo o mas maaga pa sa iskedyul, at inaasahang matatapos ito sa loob lamang ng ilang linggo.
Bagama’t sinabi niyang kayang maabot ng US ang mga layunin nito nang hindi gumagamit ng ground troops, inamin niya na may ipinapadalang ilang sundalo sa rehiyon upang bigyan si US President Donald Trump ng mas maraming option sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari.
Nagpadala ang US ng dalawang grupo ng libu-libong Marines sa rehiyon, kung saan ang unang grupo ay inaasahang darating sa katapusan ng Marso sakay ng isang malaking amphibious assault ship.
Inaasahan din na magpapadala ang Pentagon ng libu-libong elite airborne soldiers.
Dahil dito, tumataas ang pangamba na ang digmaan — na sinimulan ng US at Israel noong Pebrero 28 sa pamamagitan ng airstrikes na pumatay sa pinakamataas na lider ng Iran at iba pang opisyal ay maaaring humantong sa mas matagal at malawakang labanan sa lupa.
Gumanti ang Iran sa pamamagitan ng pag-atake sa mga target ng US at Israel sa rehiyon, pati na rin sa mga sibilyang target sa mga bansang Arabo sa Gulf at mga barko.
Dahil dito, labis na naapektuhan ang pandaigdigang kalakalan ng enerhiya at iba pang produkto, na nagdudulot ng pagtaas ng presyo at posibilidad ng resesyon.
Tinalakay rin ni Rubio sa mga foreign minister ng G7 ang posibilidad na kahit matapos ang labanan, maaaring magpataw ang Iran ng bayad sa mga barkong daraan sa Strait of Hormuz.
Ayon sa kanya, dapat tumulong ang mga bansa sa Europe at Asya na nakikinabang sa rutang ito upang matiyak ang malayang paglalayag.










