Nagbabala si US President Donald Trump na magiging “pinakamasamang bangungot” ng Estados Unidos ang Iran kung hindi ito papayag sa inaalok na peace plan ng Washington.

Kinumpirma naman ni Steve Witkoff na nakapagsumite na ang US ng 15-puntong panukalang kasunduan sa Iran, bagamat wala pang inilalabas na detalye ukol dito.

Nauna nang iginiit ng isang opisyal ng Iran na may “natural at legal na karapatan” ang kanilang bansa na kontrolin ang Strait of Hormuz—isang mahalagang daanan ng langis sa buong mundo.

Samantala, iniulat ng Israel na napatay nito ang isang opisyal ng Iranian navy na umano’y nangangasiwa sa blockade ng naturang estratehikong ruta.

Patuloy rin ang palitan ng pag-atake sa pagitan ng Israel, Iran, at Lebanon, habang dalawang katao ang nasawi sa Abu Dhabi matapos tamaan ng debris mula sa na-intercept na missile na pinaniniwalaang mula sa Iran.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa isang global policy group, ang tensyon at blockade sa Strait of Hormuz ay nagpapataas ng gastos, nagpapabagal sa demand, at nagdadagdag ng pressure sa inflation sa iba’t ibang bansa.

Sa gitna ng tumitinding sigalot, nananatiling hindi malinaw kung paano mapipilit ng US ang Iran na makipagnegosasyon at kung magdudulot ba ng pagbabago ang patuloy na pag-atake sa posisyon ng Tehran.