
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi dapat pinapayagan sa bansa ang iresponsableng pagmimina.
Sa pagbubukas ng Mining Philippines 2025 International Conference and Exhibition sa Taguig, sinabi ng pangulo na ang pagmimina ay dapat makatulong sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga paaralan, ospital, at kalsada at hindi makasira sa komunidad at kalikasan.
Dagdag pa ng pangulo, mahigpit na ipatutupad ng pamahalaan ang mga batas laban sa iresponsableng pagmimina na sumisira sa kagubatan at mga ilog.
Dapat aniyang sumunod ang bawat operasyon sa mga environmental commitment ng bansa, gaya ng nakasaad sa Paris Agreement at Philippine Energy Plan.
Binanggit din ng pangulo ang mga reporma ng administrasyon, kabilang ang Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act para sa patas na buwis sa industriya, at ang Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System Act upang mapangalagaan ang likas na yaman ng bansa.