Patay ang isang motorcycle rider habang sugatan naman ang kanyang kasama matapos mahulog sa isang bangin ang kanilang sinakyang motorsiklo sa Barangay Viewpoint, Banaue, Ifugao kagabi.

Ayon sa pulisya, naganap ang aksidente sa Sitio Awan Igid matapos iulat ng mga residente ang insidente, na agad namang rumesponde ang mga awtoridad.

Isinugod ang dalawang biktima sa Good News Hospital kung saan idineklarang dead on arrival ang isa, habang ang isa naman ay patuloy na inoobserbahan ng mga doktor.

Sa pagdating ng mga rumespondeng pulis, natagpuan ang isang biktima sa bangin habang ang isa naman ay tumilapon sa kalsada, dahilan upang magsagawa ng rescue operation para makuha ang naipit na rider.

Naging mahirap ang rescue operation dahil sa delikadong terrain at mahinang visibility sa lugar, ngunit matagumpay ding nakuha ng mga rescuer ang biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho lalo na sa matatarik at palikong kalsada, partikular sa gabi, upang maiwasan ang mga ganitong aksidente.

Hinimok din ang mga rider na magsuot ng tamang safety gear at sumunod sa mga traffic sign para sa kanilang kaligtasan.