Isang LGU employee at isang hindi pa nakikilalang suspek ang nahaharap sa kasong frustrated murder matapos masangkot sa bigong pagpatay sa isang casual LGU employee sa bayan ng Tuao, Cagayan.

Dalawang tama ng bala mula sa .45 caliber pistol ang tumama sa dibdib at tiyan ng biktimang si Andrew Matammu, 48-anyos, BPLO ng Tuao at residente ng Brgy Alabug.

Ayon kay PMAJ JhunJhun Balisi, hepe ng PNP-Tuao, positibong kinilala ng biktima ang suspek na si Raffy Parales, 31-anyos, residente ng Brgy Bicok na siyang bumaril sa kanya.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-10:00 ng umaga nitong Biyernes, March 31 nang pinagbabaril ang biktima habang nagsasagawa ng licensing activity sa gymnasium ng Brgy Fugu ng dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo.

Ang biktima ay kasalukuyan pang nilalapatan ng lunas sa pagamutan at nabanggit nito ang pangalan ng bumaril sa kanya na si Parales na isa rin LGU employee na agad namang nasakote ng pulisya sa isinagawang follow-up operations habang patuloy namang tinutugis ang kasamahan nito.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Balisi na boluntaryong isinuko ng suspek sa pulisya ang isang sling bag na naglalaman ng cal. 45 na baril na may 14 na bala, dalawang magazine at pera.

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung pag-aari ng nahuling suspek ang baril na ginamit sa pamamaril.

Nabatid na personal ang motibo ng tangkang pamamaslang sa biktima na may kaugnayan sa kanilang trabaho.