Boluntaryong sumuko si Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor-elect Jeryll Harold Respicio sa Manila Court kaninang umaga may kaugnayan sa kasong cybercrime na inihain laban sa kanya ng Commission on Elections (Comelec).
Pumunta si Respicio sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 34 matapos na malaman na may pirmadong arrest warrant laban sa kanya dahil sa umano’y paglabag sa Article 134 of the Revised Penal Code (RPC).
Ayon sa kanya, ito ay isang proseso para hindi na hulihin at hindi mai-commit sa loob ng kulungan at makapagpiyansa.
Naghain ang Comelec sa pamamagitan ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan (KKK) sa Halalan ng cybercrime charges laban kay Respicio noong buwan ng Pebrero kaugnay sa kanyang social media videos, kung saan sinabi niya na kaya niyang manipulahin ang automated counting machines (ACMs) para sa Eleksyon 2025.
Sinabi pa ni Respicio na may backdoor programs para sa manipulasyon ng ACMs at ipinakita pa kung paano baguhin ang resulta ng eleksyon sa isa niyang video.
Nanindigan si Respicio na totoo ang kanyang social media videos, kasabay ng kanyang pahayag na sumang-ayon ang Comelec sa kanyang apela na isama ang probisyon sa kanilang election resolution na nagbabawal sa ACMs na maikonekta sa internet at sa panahon ng pag-imprenta sa election returns.
Binigyang-diin ni Respicio na lalaban siya hanggang sa huli, hanggang sa lumabas umano ang katotohanan, at hanggang sa mailabas niya ang pagkukulang ng Comnelec upang hindi na ito mangyari sa susunod na eleksyon sa 2028.
Una rito, binatikos ni Comelec chair George Erwin Garcia si Respicio, at sinabi na maaaring may “misundertanding” o non-understanding” sa proseso ng pag-transmit ng election returns.
Iginiit ni Garcia ang proseso ay pag-imprenta muna ng election returns bago ang transmission na taliwas sa pagkakaintindi umano ni Respicio.
Ayon sa kanya, ibig sabihin, mailalabas ang resulta bago ang transmission, kaya malayo aniya na ito ay ma-hack o mabago dahil alam na ng lahat ang mga boto.