Isang 22-anyos na babae ang nasawi habang lima ang sugatan, kabilang ang ilan na malubha ang kondisyon, matapos ang pamamaril sa isang rave party sa Aarau, Switzerland.

Ayon sa pulisya, pawang mga Swiss resident at nasa edad 20 ang mga biktima. Patuloy naman ang manhunt para sa suspek habang kinordonan ng mga awtoridad ang malalaking bahagi ng bayan.

Nangyari ang insidente bandang alas-2:30 ng madaling araw noong Linggo, ilang sandali matapos tumigil ang musika sa naturang techno party na ginanap sa isang covered horse racetrack. Tinatayang nasa 3,500 katao ang inaasahang dumalo sa event.

Ayon sa isang saksi, una niyang inakala na mga paputok ang narinig niyang putok ng baril. May ilang dumalo na nagtago sa likod ng DJ booth habang ang isang babae ay nagtangkang magtago sa likod ng refrigerator ngunit tinamaan ng bala sa likod.

Nagpaigting ang pulisya sa seguridad sa Aarau at mga karatig-lugar habang hinihikayat ang publiko na magsumite ng anumang larawan o video na maaaring makatulong sa imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t kabilang ang Switzerland sa mga bansang may mataas na antas ng gun ownership sa Europe, bihira roon ang mga insidente ng marahas na pamamaril.