TUGUEGARAO CITY- Inihayag ni Calayan Mayor Joseph Llopis na malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pagluluwas ng mga pangunahing produkto at sa sektor ng transportasyon sa kanilang bayan.
Sinabi niya, bilang island municipality ay gasolina at diesel ang pangunahin sa ginagamit para sa mga fuel based transportation upang makaluwas patungong mainland Cagayan.
Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na nakatakda silang magsagawa ng pagpupulong kasama ang mga boat operator at iba pang kabilang sa transport sector at sa komunidad upang mapag-usapan ang pagtaas ng pamasahe.
Ayon sa alkalde, sa ngayon ay nasa P800 pa rin ang kasalukuyang pamasahe ng mga byahero mula sa bayan ng Sta. Ana at Aparri habang ang mga galing ng claveria naman ay nasa P500-P600 at ang mga kargo tulad ng semento at iba pa ay umaabot ng hanggang P100-P120.
Sinabi ni Llopis, mahalagang makuha ang hinaing ng bawat isa upang makapaglatag ng mga hakbang na hindi malulugi ang parehong commuters at mga boat operators.
Inihayag din niya na inaayos na rin nila ang mga polisiyang ipatutupad para sa pagbibigay ng subsidy para sa mga bangka operators at mangingisdang apektado sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Samantala, Umaabot sa P100 hanggang P110 per liter ang presyo ng gasolina sa isang barangay sa isla ng Calayan, Cagayan.
Batay sa report ni Joe Robert Arirao, Bombo correspondent sa nasabing isla na sa Barangay Dilam ay umabot hanggang P110 per liter ang gasolina kung saan ito ang pinakamataas na presyo sa nasabing bayan.
Ayon pa kay Arirao, na ang presyo ng gasolina sa iba pang lugar sa isla ay P92 hangga 95 habang sa krudo naman ay P88 hanggang P92.
Sinabi ni Arirao na ang mataas na presyo ng langis sa isla ay dahil sa inaangkat ang kanilang supply sa mainland Cagayan na isinasakay sa mga lampitaw.
Gayonman, sinabi ni Arirao na sapat naman ang supply ng langis sa kanilang bayan at wala ding pagtaas sa singil sa pasahe.
Idinagag pa ni Arirao na ang pinakamataas na presyo ng gasolina na kanyang naranasan sa isla ay P120 kada litro noong buwan ng Nobyembre ng 2021 bunsod ng kakulangan sa supply.