Huli ang isang barangay kagawad at dating sundalo sa isinagawang entrapment operation dahil sa pangingikil sa isa sa mga may-ari umano ng lupa na pinag-aagawan ng tatlong magkakapatid kapalit ng pagtigil nila sa pagbabakod sa lalawigan ng Isabela.
Kinilala ang mga suspek na sina Daniel Garcia, 49-anyos, Brgy. Kagawad ng Villanueva, San Manuel at Jefferson Balurin, 32 anyos, dating sundalo na nag-absent without leave (AWOL) kaya natanggal sa serbisyo at residente ng Brgy. San Francisco, San Manuel.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PRO-2 Information Officer Lt. Col. Andree Abella na nagsumbong sa pulisya ang biktimang si Deslyn Llanes, 21-anyos at anak ng isa sa may-ari umano ng lupang pinag-aagawan laban sa dalawang suspek.
Ang dalawang suspek ay inupahan lamang ng kanyang tiyuhin na si Romeo Llanes na nakikipag-agawan din sa lupa upang bakuran ito.
Sa salaysay ng biktima, kinikilan umano siya ng dalawang suspek ng halagang P30,000 kapalit ng hindi na pagtuloy sa pagbabakod at pagbigay ng titulong hawak nila.
Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang Roxas Police Station, Isabela Police Provincial Office at Provincial Intelligence Unit sa isang fast food chain sa Brgy. Rizal kung saan nasakote ang dalawang suspek.
Nakumpiska mula sa mga ito ang isang pirasong P1,000 genuine money, P29,000 na boodle money, at dalawang cellphones.
Sinampahan na ng robbery extortion ang dalawa na nasa kustodiya ng pulisya.