Binitay ang isang Filipino national sa Saudi Arabia dahil sa pagpatay sa isang Saudi national noong October 5.

Sinabi ni Eduardo Jose de Vega, Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migration, na wala pang official notification mula sa Saudi government bagamat kinumpirma na may isinagawang execution.

Sinabi ni De Vega na ginawa nila ang lahat ng apela, presidential letter of appeal, para tanggapin ng pamilya ng biktima ang blood money, subalit nabigo ang pamahalaan.

Hindi muna pinangalanan ni De Vega ang Filipino at iba pang detalye bilang tugon sa kahilingan ng pamilya.

Ayon naman kay Philippine Embassy in Riyadh Chargé d’affaires Rommel Romato, isinagawa ng Saudi government ang pagbitay na walang abiso sa embahada o maging sa pamilya na pagtugon sana sa local procedures.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Romato na ginawa ng pamahalaan ang lahat ng posibleng tulong, kabilang ang legal representation sa panahon ng proceedings.

Ayon kay Romato, sumulat din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Saudi King Salman bin Abdulaziz Al Saud sa pag-asang maisasalba niya ang buhay ng ating kababayan.

Gayonman, ilang beses na tinanggihan ng pamilya ng biktima ang mga oportunidad para pag-usapan ang blood money compensation.

Samantala, patuloy ang pagsisikap ng Philippine Embassy sa Riyadh na resolbahin ang siyam na iba pang death penalty cases sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa DFA at Department of Migrant Workers.