Nahaharap sa kasong Qualified Theft ang isang foreman matapos nakawin at ibenta ang mga steel trusses ng kanilang ginagawa nilang building sa Brgy San Juan, Sta Praxedes, Cagayan.
Kinilala ni PMaj Joel Labasan, chief of police ng PNP Sta Praxedes ang suspek na si Mario Zapala, 43 anyos na residente sa Brgy Bangan, Sanchez Mira habang ang biktima ay si Johan Alcantara, 50 anyos, negosyante at residente sa Brgy Centro 4, Claveria.
Una rito, nagtungo ang biktima sa himpilan ng pulisya upang i-ulat sa mga otoridad na nawawala ang 28 piraso ng steel trusses na nagkakahalaga ng mahigit P100,000 na gagamitin sa pagtatayo ng building para sa Phil Marines sa bayan ng Sta Praxedes.
Nang malaman ito ng suspek ay boluntaryo itong nagtungo sa pulisya at inamin ang kanyang ginawa kung saan ibinenta nito ang mga steel trusses sa mga bumibili ng bakal sa nagngangalang Darnel Erice sa brgy Pasaleng, Pagudpud, Ilocos Norte.
Agad na tinungo ng mga otoridad ang lokasyon na sinabi ng suspek kung saan dito nakita ang mga nawawalang bakal na kanyang ibinenta sa halagang P15,000 lamang.
Napag alaman na walang ideya si Erice na nakaw ang mga ibinenta sa kanya at handa itong makipagtulungan sa imbestigasyon ng pulisya.
Sa ngayon, na nasa kustodiya ng PNP Sta Praxedes ang suspek habang inihahanda ang kaso laban sa kanya.