Sinalakay ng NBI-Tarlac ang isang bodega sa Capas matapos makatanggap ng ulat na nag-iimbak ito ng mga expired na grocery items gaya ng gatas, noodles, mayonnaise, at tsokolate.
Batay sa imbestigasyon, nalaman na binubura umano ng mga tauhan ang original na expiration date ng produkto at pinapalitan ito bago muling ibenta sa mga sari-sari store sa mas murang presyo.
Ayon kay head agent Johnny Logrono, maraming mamimili ang nabibiktima dahil hindi na raw sinusuri ang expiry date basta’t mura ang produkto.
Sa isinagawang raid, natuklasan ang mga kahon ng expired goods na karamihan ay noong 2023 pa dapat itinapon.
Tinatayang nasa P5 milyon ang halaga ng mga nakumpiska, na ayon sa NBI ay mapanganib sa kalusugan at maaaring magdulot ng food poisoning at diarrhea.
Sasampahan ang may ari ng kasong paglabag sa Consumer Act at FDA Act.
Payo naman ng NBI, maging mapanuri sa binibiling produkto at laging tingnan ang expiry date.