Bangkay na nang matagpuan ngayong Martes ang katawan ng isang lolo na tatlong araw nang nawawala sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Nabatid na nakita ng mga residente ang naturang bangkay kaninang umaga sa Pared River sa bahagi ng Zone 3 ng Barangay Taytay sa nasabing bayan.
Ang lolo na hindi na pinangalanan ay nasa higit 80 taong gulang na residente ng Brgy. Barsat West.
Batay sa salaysay ng pamilya ng biktima, madaling araw ng Sabado nang posibleng lumabas ang lolo at pumunta sa tabing ilog.
Nakita umano sa lugar ang bakas nang pagkahulog ng biktima sa ilog na maaaring sanhi ng kanyang pagkalunod.
Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang mga rescuer pero bigo na agad makita ang biktima hanggang sa matagpuan ito ngayong araw.
Nabatid na noong mangyari ang insidente ay mataas pa ang lebel ng tubig dulot ng pag-uulan na naranasan na dala ng bagyong “Kristine”.