Ipinasara ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Tuguegarao ang isang panciteria dahil sa ikalawang paglabag sa pagbebenta at pagpapainom ng alak sa mga menor de edad.
Ayon kay Atty. Roderick Iquin, assistant legal officer na kasunod ito ng natanggap na reklamo sa pagbebenta ng naturang panciteria ng nakalalsing na inumin sa mga menor de edad na matatagpuan sa Brgy Annafunan East.
Sinabi ni Iquin na sa isinagawang surprise inspection ng inspectorate team ay positibo sa mga menor de edad at estudyanteng umiinom ng alak ang naturang establisyimento.
Nabatid na una na rin ipinasara ang naturang panciteria noong nakaraang taon dahil sa kaparehong paglabag subalit nakabalik sa kanyang operasyon sa pangakong hindi na mauulit ang naturang pangyayari.
Bagamat may special permit ito sa pagbebenta ng alak subalit hindi naman nito saklaw ang mga menor de edad na mahipit na ipinababawal sa umiiral na ordinansa ng Lungsod.
Malapit din aniya ang establisyimemnto sa Annafunan Integrated School kung saan ipinagbabawal ang pagbebenta ng alak sa loob ng 200 metro mula sa mga eskwelahan
Ayon pa kay Iquin, magsilbi umano itong babala sa mga establisyimento na gumagawa ng kaparehong aktibidad dahil seryoso ang LGU na ipasara ang mga ito.