
Patuloy na pinaghahanap ang isang pari sa Abuyog, Leyte na iniulat na nawawala mula pa noong Martes matapos magtungo sa Tacloban City.
Kinilala ng Babatngon Municipal Police Station (MPS) sa Leyte ang nawawalang pari na si Fr. Edwin “Kutz” Caintoy, 55-anyos, kura paroko ng San Jose de Malibago Parish, at residente ng Abuyog, Leyte.
Huli umanong nakita si Caintoy na umalis noong Martes dakong 9:08 a.m.
Bumiyahe siya sa Barangay 108 sa Tagpuro, Tacloban City, sakay ng motorsiklo na minaneho ng isang sakristan.
Pagdating sa Tagpuro, sumakay naman siya ng bus, at buhat noon ay hindi na malaman kung nasaan siya ngayon.
Nanawagan ang pulisya sa mga may impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng pari na ipagbigay-alam sa kanilang himpilan na Babatngon Municipal Police Station.
Ayon naman sa Archdiocese of Palo, nakikipagtulungan sila sa mga awtoridad para mahanap si Fr. Caintoy.










