TUGUEGARAO CITY-Nagpapagaling na sa pagamutan ang isang preso matapos ang tangkang pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili sa loob ng police station sa bayan ng Ballesteros.

Una rito, nakiusap umano si Gilbert Lizardo, 40, ng Brgy. Centro East sa naka-duty na pulis na iihi sa labas dahil sa sirang banyo ng selda.

Subalit, nagulat na lamang umano ang escort nitong pulis nang bigla siyang tumakbo sa kusina ng himpilan ng pulisya at kinuha ang kutsilyo bago isinaksak sa kanyang tiyan.

Ayon kay Police Captain Gilbert Danga, hepe ng PNP- Ballesteros, posibleng “depressed” si Lizardo dahil sa kinakaharap na kasong frustrated parricide.

Si Lizardo ay nahuli sa Apayao kamakailan dahil sa tangkang pananaga sa kanyang asawa sa bayan ng Ballesteros noong 2018.

-- ADVERTISEMENT --