Isinasailalim na sa imbestigasyon ang tatlong indibidwal na inimbitahan ng pulisya kasunod ng pagkakahuli ng dalawang miyembro ng New Peoples Army sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng 202nd Manuever Company at tinatayang nasa 13 miyembro ng makakaliwang grupo sa bayan ng Sto Niño noong Huwebes, Agosto 31 ngayong taon.

Ayon kay PLtCol. Virgilio Vi-Con Abellera Jr, Force Commander ng Regional Mobile Force Batallion ng Philipine National Police na inimbitahan nila para sa pagtatanong sina Ramil Andam, Alvin Andam at Jayson Melad matapos silang makita sa encounter site sa Brgy Niug Norte, pasado alas 7:00 ng gabi.

Gayunman, walang matibay na ebidensya na nagpapatunay na kaalyado o kasamahan nila ang naka-engkwentro batay sa isinagawang interogasyon sa tatlo.

Samantala, sinabi ni Abellera na nagpapagaling na sa ngayon sa isang ospital sa Tuguegarao City ang sugatang miyembro ng NPA na si Edwin Callueng alyas “Happy”, residente sa bayan ng Sto Niño at kasapi ng EXECOM/West Front ng KOMPROB-Cagayan.

Kasama nitong nahuli ang limang buwang buntis na si Aiza Antonio alyas “Mira” ng Lasam, Cagayan at medical officer ng grupo na kumikilos sa kanlurang bahagi ng Cagayan at ilang bahagi ng Apayao.

-- ADVERTISEMENT --

Nakumpiska rin sa pag-iingat ni alyas Happy ang kanyang .cal 45 pistol matapos ang sampung minutong sagupaan habang nakabalik na rin sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng kusang lumikas sa kasagsagan ng putukan.

Kinumpirma rin ni Abellera na ang naturang grupo ang siyang nakasagupa ng tropa ng pamahalaan noong Lunes, August 28.