TUGUEGARAO CITY- Nagsasagawa ng hot pursuit ang kasundaluhan sa grupo ng komunistang New People’s Army na nakasagupa ng tropa ng 52nd Division Reconnaisance Company sa Conner, Apayao kahapon ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si Private Kobee Wackisan ng Tanudan, Kalinga, 24 anyos.
Sinabi ni Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Public AffAirs Office ng 5th Infantry Division na tumagal ng 30 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng rebeldeng grupo at mga sundalo sa mabundok na bahagi ng Barangay Casablangan na malapit na sa boundary ng lalawigan ng Abra.
Ayon sa kanya, posibleng ang nakasagupa ng tropa ay ang mga NPA na kumikilos sa karatig lalawigan ng Apayao.
Sinabi ni Pamittan na nagsasagawa na ng blocking operation ang kasundaluhan upang matiyak na hindi makababa sa mga komunidad ng Apayao ang nasabing rebeldeng grupo at magpanggap na mga karaniwang mamamamayan.