Muling nasakote sa ikatlong pagkakataon ang isang 25-anyos na lalaki na vulcanizer sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Tuguegarao City Police Station at PDEA Cagayan Provincial Office kahapon, Hunyo 20, 2025, sa Piña Street, Purok 3, Barangay Pengue-Ruyu, Tuguegarao City.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, nahuli ang suspek sa aktong pagbebenta ng hinihinalang ilegal na droga.
Narekober mula sa kanya ang limang heat-sealed sachet ng pinaghihinalaang shabu — dalawa ang nabiling buy-bust item, habang tatlo naman ang nadiskubre sa kanyang pag-iingat.
Nakuha rin sa kanya ang isang cellphone, isang ₱1,000 na marked money, at isang Yamaha Mio MXI 125 na motorsiklo.
Maayos na isinagawa ang marking at imbentaryo ng mga ebidensiya sa harap ng barangay opisyal at kinatawan ng DOJ-NPS bago ito dinala sa istasyon ng pulisya para sa pormal na dokumentasyon at disposisyon.
Ayon kay PCOL Mardito G. Anguluan, Provincial Director ng Cagayan PPO, tiniyak niyang walang ligtas ang sinumang patuloy na nasasangkot sa ilegal na droga.