
Iginiit ni House prosecutor at San Juan Representative Belle Zamora na posibleng umabot sa Korte Suprema ang usapin kaugnay ng kinakailangang bilang ng boto para sa paghatol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, bagama’t hindi aniya ang House prosecution panel ang magsasampa ng anumang petisyon.
Ayon kay Rep. Zamora, nakatuon ang prosekusyon sa paghaharap ng mga ebidensya sa Senate impeachment court at hindi na nila kailangang pangunahan ang pagdadala ng isyu sa Kataas-taasang Hukuman. Aniya, maaaring gamitin ng sinumang interesadong partido o mamamayan ang mga legal na remedyo upang humingi ng paglilinaw sa usapin.
Sinabi rin ni Rep. Zamora na mahalagang maresolba agad ang isyu bago ang botohan sa impeachment case upang maiwasan ang anumang pagdududa sa magiging resulta. Aniya, hindi tahasang nakasaad sa Konstitusyon ang bilang na 16, kundi ang kinakailangang dalawang-katlo ng lahat ng miyembro ng Senado para sa hatol na pagkondena.
Samantala, nanindigan si Senate impeachment court Presiding Officer Senate President Francis “Chiz” Escudero na 16 na boto ang kinakailangan upang mahatulan ang bise presidente. Gayunman, may ilang legal experts na naniniwalang maaari pa ring humingi ng pinal na paglilinaw sa Korte Suprema hinggil sa tamang interpretasyon ng probisyong ito sa Konstitusyon.










