Pinag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isama na rin ang mga janitor, security guards, house helper at ibang may mababang sahod sa Pantawid Pamilyang Pilipino o 4Ps.
Ito ang ipinahayag ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.
Sinabi ni Dumlao na magiging bahagi ito sa mga enhancement na gagawin sa programa.
Tugon na rin ito sa hinaing ng mga naturang sektor na hindi umano nasasakupan ng programa gayong kabilang din sila sa itinuturing na vulnerable sector sector.
Ayon kay Dumlao, bukas ang DSWD sa alinmang pagbabago o enhancements sa Pantawid Pamilya Program.
Sinabi niya na kasalukuuyan ang diyalogo nila kay Senador Erwin Tulfo upang mapag-usapan ang mga isinusulong nitong pagbabago sa programa.
Tuloy-tuloy rin ang pakikipag-ugnayan nila sa ibang ahensya ng pamahalaan upang makakuha ng ibang inputs.
Sinabi ni Dumlao, halos 17 taon na ring operational ang 4Ps kaya napapanahon na rin na makapagpatupad ng ilang enhancements.
Aniya, nakahanda silang makipagtulungan sa Senado sa sandaling magkaroon ng mga susunod na consultations.
Magugunita na isinusulong ni Tulfo na livelihood o kabuhayan ang dapat ipagkaloob sa mga benepisaryo sa halip na ayuda.
Mula January hanggang July 2025 ay mayroon nang 700 households na nag-graduate sa programa.
Ito ay mula sa 1.4-M na nagtapos sa programa mula 2022 hanggang 2025.