Nahuli ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang high profile targets na pinaniniwalaan na bahagi ng Japanese crime syndicate.

Naging matagumpay ang isinagawang operasyon ng military intelligence groups at BI Fugitive Search Unit sa mga nasabing suspek matapos ang ilang buwan na surveillance sa Manila at Bulacan.

Sinabi ni BI Fugitive Search Unit head Rendel Sy na naging hamon ang kanilang operasyon dahil ang kanilang target ay pitong indibidual.

Ayon sa kanya, nang makumpirma nila na sila ang kanilang target, agad silang nakipag-ugnayan sa San del Monte police station.

Pinaniniwalaan na bahagi ang mga suspek ng JP Dragon Syndicate, na isa sa itinuturing na pinakamalaking crime groups sa Japan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Sy, ang nasabing grupo ay matagal nang nagtatago at kumikilos sa bansa ng kanilang telecom fraud syndicate.

Idinagdag pa niya na sinasabing karamihan ng mga leader ng grupo ay mga dating Yakuza.

Ayon kay Sy, sila ang nagtitimon ng mga gagawin ng mga actors nila sa Japan, kung saan papasukin ang mga bahay ng matatanda, kukunin ang kanilang ATM cards, at doon uumpisahan ang mga pagnanakaw.

Sinabi niya na mahalaga ang pagkakahuli sa mga suspek at maipa-deport sila sa Japan, dahil hindi malayong magkaroon sila ng market sa bansa at magkakaroon ng mga kasabwat na mga Filipino, at posibleng mambibiktima din ng mga Pinoy.