Ipinahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na interesadong palawakin ng Japanese agri-tech firm na E-SupportLink Ltd. ang operasyon nito sa Pilipinas.

Ayon sa DTI, maaaring makinabang ang mga banana producer sa bansa sa advanced artificial intelligence (AI) at drone technology ng kumpanya na nakatutulong sa maagang pagtukoy ng sakit sa halaman at pagpapataas ng produktibidad sa plantasyon.

Tinalakay ang planong expansion sa isang pulong na dinaluhan nina Trade Secretary Ma. Cristina Roque, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., at E-SupportLink Executive Vice President Hiroyuki Fukatsu, kasama ang iba pang opisyal ng kumpanya, sa sidelines ng state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan.

Sinabi ng DTI na ang long-term expansion plan ng E-SupportLink ay nakabatay sa kasalukuyan nitong pakikipagtulungan sa Department of Agriculture, Department of Science and Technology, at mga banana industry group sa Mindanao para sa testing ng modern farming technologies.