
Sinimulan ng Judicial and Bar Council (JBC) nitong Martes ang unang round ng panayam sa mga aplikanteng naghahangad na mapunan ang posisyong mababakante sa Korte Suprema sa pagreretiro ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier.
Kabilang sa mga sumailalim sa panayam sina Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Faith Econg, Bureau of Immigration Deputy Commissioner Aldwin Alegre, Legal Education Board Chairperson Jason Barlis, at Court of Appeals Associate Justice Lily Biton.
Sa panayam, binigyang-diin ni Econg ang kaniyang karanasan sa Sandiganbayan, partikular sa paghawak ng mga kasong may kaugnayan sa graft at korapsyon.
Aniya, posibleng mawalan ng dating mahistrado mula sa anti-graft court ang Korte Suprema sa nalalapit na pagreretiro ni Chief Justice Alexander Gesmundo.
Samantala, ipinaliwanag ni Alegre ang kahalagahan ng pagbabalanse sa karapatan ng mga indibidwal at ng estado sa pagdedesisyon sa mga usaping legal.
Tinalakay naman ni Barlis ang konsepto ng judicial activism, habang sinabi ni Biton na nais niyang gamitin ang kaniyang karanasan at kakayahan sa paglilingkod sa hudikatura.
Magpapatuloy ang panayam ng JBC sa Huwebes para sa apat pang aplikante.
Ang JBC ang nagsasagawa ng pagsusuri at pagpili ng mga kuwalipikadong kandidato para sa mga bakanteng posisyon sa hudikatura.










