Nakatakdang maglaan ang Department of Agriculture (DA) ng tinatayang P15 hanggang P18 bilyon sa 2027 national budget para sa pagbili ng mga makinarya at sasakyang gagamitin sa sektor ng agrikultura upang mapataas ang produksyon.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., malaking bahagi ng pondo para sa mekanisasyon ay manggagaling sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF, kabilang ang P9 bilyong nakalaan para sa mga makinaryang pangpalay.

Gayunman, nais pa ng DA na madagdagan ang pondo para sa mga makinaryang gagamitin sa produksyon ng iba pang pananim.

Samantala, sinabi ni Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization Director Dionisio Alvindia na nangangailangan pa ng karagdagang P50 bilyon upang lubusang makumpleto ang mekanisasyon sa sektor ng palay.

Sa loob aniya ng anim na taon, nasa 60 hanggang 70 porsiyento pa lamang ng rice sector ang nakaranas ng mekanisasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ni Tiu Laurel na layunin ng modernisasyon na mapataas ang produktibidad ng mga magsasaka at hindi palitan ang kanilang trabaho.

Iginiit din ng DA na dapat maging abot-kaya at angkop sa pangangailangan ng mga magsasaka ang mga makinarya at makabagong teknolohiya.