
Patay ang isang barangay kagawad at kanyang anak na lalaki sa pananambang sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao del Sur, ayon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kinilala ni Lt. Col. Jopy Ventura, spokesperson of Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang mga biktima na sina Abusama Agao, alias Commander Boy Negro, kagawad ng Barangay Matagabong, Ampatuan, at kanyang anak na si Norodin, miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team ng Barangay Matagabong.
Nasugatan din ang anak na babae ng kagawad, at agad siyang dinala sa pagamutan sa bayan ng Datu Hoffer.
Si Abusama ay field commander ng Moro National Liberation Front (MNLF) na nakabase sa bayan ng Ampatuan.
Ayon kay Ventura, sakay ang mga biktima sa tricycle mula sa Barangay Matagabong nang pagbabarilin sila ng dalawang katao na sakay ng motorsiklo kaninang umaga sa Barangay Kapinpilan, Ampatuan.
Sinabi ni Ventura na iniimbestigahan pa ang motibo sa nasabing pananambang at kung sino ang mga salarin.