Patay ang isang barangay kagawad matapos siyang barilin habang nasa sasakyan ng mga gunman na nakasakay sa motorsiklo sa Barangay Bagtas sa Tanza, Cavite.
Pinagbabaril ng apat beses ang biktima na si Christipher Aron kahit may kasamang mga bata sa sasakyan.
Tinamaan siya sa leeg at namatay makaraan ang dalawang oras matapos ang pamamaril.
Sinabi ni Police Senior Master Sergeant Israel Villela ng Tanza Police, naniniwala silang planado ang pamamaril dahil simula sa bahay ng biktima hanggang sa pagpasok niya sa barangay hall ay nakaabang na ang mga suspek.
Nang tumigil ang sasakyan ng biktima, kaagad na lumabas ang kaniyang kinakasama at apat na anak, na sa kabutihang-palad ay walang tinamong sugat.
Ayon kay Villela, walang alam ang kanyang pamilya na kaaway ang biktima pero matunog umano ang pangalan nito na posibleng susunod na kapitan ng barangay.
Sinabi ni Villela na marami pa silang anggulong tinitingnan katulad ng kanyang trabaho bilang barangay counselor, kung may kaugnayan ito sa kanyang pagiging negosyante, at nalaman din nila na nasangkot siya sa banggaan kamakailan.