TUGUEGARAO CITY-Nahukay ng mga pulis ang kalansay ng umanoy isang miyembro ng New Peoples Army (NPA) na napaslang sa naganap na pananambang sa mga miyembro ng PNP-Special Action Force noong 2013 sa Brgy. Cataratan, Allacapan, Cagayan.

Ito’y sa tulong ng dalawang sumukong rebelde na nagturo sa lugar ng pinaglibingan kay alyas “Ka Ram” na napatay sa kanilang ginawang ambush at inilibing sa Sitio Kasisiitan, Brgy Daan-ili.

Ayon sa pulisya, taong 2010 nang sumapi si Ka Ram sa rebeldeng grupo sa ilalim ng Platoon Ernesto West Committee Northern Front- Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley na kumikilos sa Allacapan.

Ang mga labi ay dinala sa Cagayan Provincial Crime Laboratory Field Office sa Lal-lo, Cagayan para sa isasagawang forensic examination.

Matatandaan, noong 2013 nagtanim ng landmine ang nasa 30 mga miyembro ng makakaliwang pangkat sa Barangay Cataratan na ikinasawi ng walong SAF troopers at ikinasugat ng pitong iba pa.

-- ADVERTISEMENT --