TUGUEGARAO CITY-Naturukan na ng unang dose ng covid-19 vaccine na sinovac si Kalinga Governor Ferdinand Tubban.
Ayon kay Dionica Alyssa Mercado, tagapagsalita ng kalinga provincial Government kasama ng gobernador na nabakunahan ang kanyang maybahay na si Dr. Ana Lua Tubban at iba pang health care workers.
Aniya, malaking bagay ito para mas lalo pang mahikayat ang publiko lalo na ang mayroong agam agam na magpabakuna laban sa nakamamatay na sakit.
Matatandaan,nagpositibo sa covid-19 ang gubernador nitong buwan ng Pebrero pero dahil nabago ang guidelines ng Department of Health na hindi na kailangan antayin ang tatlong buwan simula ng magnegatibo sa sakit para mabakunahan ay dito na nabigyan ng bakuna ang opisyal.
Sa ngayon, sinabi ni Mercado na umaabot na sa 4,530 doses ng Sinovac at Astrazeneca Vaccine ang natanggap ng provincial government ng kalinga.
Mula sa nasabing bilang 3,731 na ang naibakuna na sa group A1 o mga frontline healthcare workers kung saan 531 na ang nakatanggap na ng second dose.