TUGUEGARAO CITY- Nagpahayag ng pagkabahala ang Provincial Health Office sa biglang pagbilis ng hawaan ng COVID-19 sa lalawigan ng Kalinga.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Edward Tandingan, Provincial Health Officer, nasa 78% na ang kanilang COVID-19 hospital bed utilization rate dahilan upang isailalim sa Alert Level 4 quarantine status ang buong lalawigan mula kahapon, ika-21 ng Enero hanggang sa katapusan ng buwan.

Ayon kay Tandingan, bagamat nasa kategoryang high risk na ang utilization rate ng mga health facilities ay hindi pa naman ito umaabot sa critical level at hindi lahat ay puno ang bed capacity dahil maaari pa naman silang tumanggap ng pasyente.

Nagsimula aniyang maramdaman ang pagtaas ng nahahawaan ng COVID-19 nitong unang linggo ng Enero o pagkatapos ng holiday season na maituturing na community transmission .

Sa kasalukuyan ay may 938 na aktibong kaso ng COVID-19 sa Kalinga na pawang nagpapakita ng mild hanggang moderate na sintomas.

-- ADVERTISEMENT --

Sa naturang bilang 286 ang umookupa sa kabuuang 366 beds sa mga ospital at infirmaries habang mahigit 700 naman ang naka-quarantine sa mga Brgy isolation unit.

Samantala, sinabi ni Tandingan na wala pang ebidensya kung omicron variant ng COVID-19 ang sanhi ng bilis ng hawaan sa lalawigan batay sa mga resulta ng specimen na isinailalim sa genome sequencing.

Kasabay nito, muling hinikayat ni Tandingan ang publiko na magpabakuna na bilang karagdagang proteksyon dahil mild lang ang epekto ng virus sa mga nabakunahan ng COVID-19 vaccine.