
Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magtatatag ng permanenteng pambansang framework para sa emergency response laban sa fuel-driven inflation, krisis sa enerhiya, at mga pagkaantala sa suplay ng mahahalagang produkto.
Sa botong 294 pabor, tatlo ang tumutol, at walang nag-abstain, naipasa ang House Bill No. 9305 o ang panukalang “Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance (KALINGA) Act.”
Pangunahing may-akda ng panukala sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at House Majority Leader Sandro Marcos, kasama ang 156 pang mambabatas na nagsilbing co-authors.
Layunin ng panukala na gawing institusyonal ang isang whole-of-government emergency response framework kung saan awtomatikong magpapatupad ng mga intervention ang pamahalaan kapag umabot sa itinakdang antas ang pagtaas ng presyo ng langis, nagkaroon ng kakulangan sa enerhiya, o sumiklab ang malawakang krisis sa ekonomiya.
Sa ilalim ng panukala, maaaring magdeklara ang Pangulo ng state of national energy emergency kapag nanatiling mataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, mabilis ang pagtaas ng lokal na presyo ng petrolyo, o bumaba sa kritikal na antas ang suplay ng langis sa bansa.
Kapag idineklara ang naturang emergency, maaaring magpatupad ang pamahalaan ng pansamantalang hakbang upang mapanatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin, maprotektahan ang mga sektor na higit na apektado, at matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng supply chain.
Kabilang sa mga maaaring ipagkaloob na ayuda ang targeted cash assistance, fuel subsidy, transport support, food vouchers, subsidiya sa kuryente, tulong sa micro, small and medium enterprises (MSMEs), suporta sa agrikultura at pangingisda, emergency financing, at pagtatatag ng strategic fuel reserves.
Prayoridad na benepisyaryo ng programa ang mga mahihirap na pamilya, minimum wage earners, nawalan ng trabaho, mga pampublikong tsuper at operator, delivery riders, magsasaka, mangingisda, MSMEs, at mga overseas Filipino workers (OFWs).
Upang matiyak ang transparency at maiwasan ang korapsyon, inaatasan ng panukala ang paggamit ng digital beneficiary databases, verified registries, at digital payment systems sa pamamahagi ng ayuda.
Itatatag din ang KALINGA National Response Council na pamumunuan ng Executive Secretary at bubuuin ng mga pangunahing miyembro ng Gabinete upang mangasiwa sa pagpapatupad ng programa. Ang lahat ng pondong gagamitin ay sasailalim sa congressional oversight at audit ng Commission on Audit (COA).










