
Nanawagan ang Kamara de Representantes sa mga bangko, remittance centers, at iba pang financial institutions na babaan o tuluyang alisin ang remittance at bank transaction fees upang maibsan ang pasanin ng publiko sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.
Ito ay kasunod ng pag-apruba, sa pamamagitan ng voice vote, ng House Resolution 905 na inakda ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos.
Ayon kay Marcos, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo dulot ng armadong tensyon sa Middle East ay magdudulot ng pagmahal ng mga produkto at serbisyo, lalo na sa mga sektor na umaasa sa fuel.
Binigyang-diin din niya na mas lalo pang lalakas ang paggamit ng cashless transactions, lalo na sa ilalim ng apat na araw na workweek o work-from-home setup, kung saan mas inaasahang gagamit ang mga manggagawa ng online payments para sa pagbili ng pangunahing pangangailangan.
Dahil dito, sinabi ni Marcos na mahalaga ang pagbawas o pag-waive ng mga bayarin sa transaksyon upang makatulong sa mga Pilipino sa kasalukuyang sitwasyon.










