Mariing itinanggi ng abogado ni Ateneo Blue Eagles assistant coach Reynaldo Jacinto na may naganap na hazing o homicide sa pagkamatay ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.

Ayon kay Atty. Pelagio Cuison, isang aksidente at hindi sinasadyang pangyayari ang insidente. Aniya, bahagi lamang umano ng normal na training at team-building activities ang mga isinagawang ehersisyo at walang anumang uri ng pananakit o pagpapahirap.

Samantala, hindi dumalo sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation si Ateneo head coach Tab Baldwin. Ayon sa kanyang abogado, hindi pa ito nasa maayos na kalagayan ngunit handang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon.

Hindi rin nakaharap ang assistant coach na si Sandro Soriano dahil umano sa emosyonal na pinagdaraanan at kasalukuyang sumasailalim sa counseling.

Sa kabila nito, tiniyak ng mga abogado ng mga coach na haharap ang kanilang mga kliyente sa mga awtoridad at makikipagtulungan sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang sinabi ng administrasyon ng Ateneo de Manila University na wala silang natanggap na anumang reklamo o babala kaugnay sa kaligtasan ng mga estudyante, ngunit siniguro nilang seryosong iniimbestigahan ang mga alegasyon at walang poprotektahan kung may mapatutunayang pananagutan.