
Pumalag ang kampo ni Atong Ang sa utos ng korte na arestuhin ang negosyante at gaming tycoon dahil sa pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay Atty. Gabriel Villareal, lead counsel ni Ang, “premature” ang desisyon ng korte na mag-isyu ng warrant of arrest.
Maaari din aniyang kuwestiyunin ang utos ng Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court dahil sa pagkabigo na maabot ang constitutional standards.
Sinabi ni Villareal na umaksyon lamang ang korte batay sa kulang at one-sided na impormasyon na ibiniga ng Department of Justice para matukoy kung may probable cause nang hindi pinansin ang mga kontra salaysay at ebidensiya na inilatag ng respondents kabilang na si Ang.
Naniniwala ang abogado ni Ang na nalabag ang karapatan ng kanyang kliyente at gagawin nila ang lahat ng legal remedy para kuwestiyunin ang pagpapaaresto.
Muli ring nanindigan si Villareal na inosente si Ang sa mga ibinibintang sa kaniya ng whitleblower na si Julie Patidongan o Alyas Totoy na tanging pinagbatayan lamang daw ng DOJ para idiin sa kaso.









