Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa kaso nitong crimes against humanity kaugnay ng giyera kontra droga.

Ayon sa kanilang legal team na pinamumunuan nina Nicholas Kaufman at Dov Jacobs, dapat nang tapusin ng ICC ang mga pagdinig at agad na palayain si Duterte.

Giit ng depensa, hindi nasunod ang mga kinakailangang proseso, lalo na sa aspeto ng pagsisiwalat ng mga ebidensya noong preliminary examination, na ayon sa kanila ay malaki ang naging epekto sa kanilang paghahain ng jurisdictional challenge.

Kinuwestyon din ng depensa ang interpretasyon ng prosekusyon sa Article 12(2) ng Rome Statute, na nagsasaad ng mga kundisyon para sa hurisdiksyon ng ICC.

Anila, simula nang pormal na umurong ang Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 17, 2019, ay nawalan na ng bisa ang anumang karapatan ng ICC na ipagpatuloy ang kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng depensa, ang preliminary examination ay hindi katumbas ng pormal na imbestigasyon at hindi dapat gamitin bilang batayan para sa hurisdiksyon matapos ang pagkalas ng bansa.

Tinuligsa rin ng kampo ni Duterte ang paggamit ng argumento tungkol sa “laban sa impunidad,” at iginiit na ang hustisya ay dapat laging nakabatay sa legal na proseso at hindi sa damdamin ng publiko.

Giit nila, dapat isaalang-alang ng ICC ang prinsipyo ng complementarity at ang mga kasalukuyang proseso sa loob ng bansa.

Ayon kay Kaufman, karapatan ni Duterte na litisin sa sariling bansa ng isang Pilipinong hukom at piskal.

Si Duterte ay kasalukuyang nakakulong sa ICC Detention Center at nakatakdang humarap sa confirmation of charges hearing sa darating na Setyembre 23.