
Iginiit ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na walang awtoridad ang International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang Pilipinas matapos maging epektibo ang withdrawal ng bansa mula sa Rome Statute noong 2019.
Ayon sa filing noong Enero 23, 2026, pinangunahan ni Atty. Nicholas Kaufman, malinaw sa Rome Statute na dapat kasapi ang isang estado sa kasunduan sa oras na magsimula ang hurisdiksyon at imbestigasyon.
Binatikos ng depensa ang argumento ng prosekusyon na sapat ang preliminary examination bago ang withdrawal para mag-trigger ng hurisdiksyon.
Dagdag pa ng depensa, ang formal investigation na pinahintulutan ng ICC Pre-Trial Chamber ang tanging makatutugon sa Article 13(c), at sa kaso ng Pilipinas, ito ay pinahintulutan noong Setyembre 2021—dalawang taon matapos umalis ang bansa sa treaty.
Tinawag nilang “opportunistic” ang paraan ng prosekusyon at ibinukod ang paghahambing sa Burundi, kung saan na-authorize ang imbestigasyon bago ang withdrawal.
Ayon sa depensa, dapat sundin ang tamang proseso at hindi maaaring baluktutin ang Rome Statute sa layuning itaguyod ang hustisya.
Binanggit nila na responsibilidad ng prosekusyon na magsimula ng imbestigasyon sa loob ng isang taon matapos ang withdrawal, at sa kanilang paniniwala, hindi na maaaring magsagawa ng hurisdiksyon ang ICC sa sitwasyon ng Pilipinas.
Naaresto si Duterte noong Marso 11, 2025 sa pagdating mula Hong Kong at agad dinala sa The Hague para harapin ang ICC proceedings kaugnay ng kanyang kontrobersyal na anti-drug campaign.
Matapos ang medikal na pagsusuri noong Disyembre 2025, itinuturing siyang fit to stand trial, na nag-alis sa anumang sagabal sa paglilitis.










