Sinabi ng isang dating state auditor ng Commission on Audit o COA na humiling umano ang kampo ni Vice President Sara Duterte ng exemption sa ilang patakaran sa pag-audit ng confidential funds.

Sa pagdinig ng Senate impeachment court, sinabi ni lawyer Roderick Wamil, dating auditor ng COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office, na may pulong noong Setyembre 2023 kasama ang mga kinatawan ng Office of the Vice President o OVP at Department of Education o DepEd.

Ayon kay Wamil, hiniling umano nina OVP Chief of Staff lawyer Zuleika Lopez at dating DepEd spokesperson Michael Poa na audit query na lamang ang ilabas ng COA sa halip na Audit Observation Memorandum o AOM kung may makikitang audit findings sa paggamit ng confidential funds.

Sinabi ni Wamil na hindi ito pinagbigyan ng COA dahil hindi ito nakasaad sa Joint Circular No. 2015-01 na nagsisilbing gabay sa pag-audit ng confidential funds.

Sa cross-examination, tinanong ni Poa kung humingi ba ang OVP ng exemption sa audit rules. Ayon kay Wamil, maituturing umanong exemption ang naturang kahilingan.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, sinabi ni Wamil na nagsumite ang OVP ng liquidation reports at tugon sa mga inilabas na AOM, ngunit hindi pa rin umano ito ganap na sumusunod sa mga requirement ng COA.

Nauna nang sinabi ni Wamil na nabigo ang OVP na magsumite ng mga dokumentong magpapatunay na nagamit ang P129 milyon na confidential funds para sa matagumpay na intelligence-gathering at surveillance operations noong unang dalawang quarter ng 2023.