Nakahanda ang kampo ni Vice President Sara Duterte na ipresenta ang kanilang panig kaugnay ng mga alegasyon ng unexplained wealth sa oras na ilahad na nila ang kanilang mga ebidensya sa impeachment trial.

Ayon kay defense spokesperson Atty. Michael Poa, dapat tandaan ng publiko na ang mga napag-uusapan sa kasalukuyang pagdinig ay mula pa lamang sa panig ng prosekusyon.

Hindi muna nagbigay ng komento si Poa tungkol sa halaga ng mga credit card transaction at umano’y mga transaksiyon sa ibang bansa, kabilang ang mga may kaugnayan sa isang kumpanya, dahil sa sub judice rule.

Ipinaliwanag niyang hindi magiging patas sa prosekusyon kung ilalabas na nila ang mga detalye ng kanilang depensa bago ang takdang panahon ng paghaharap ng kanilang mga ebidensya.

Inamin din ni Poa na nasa alanganing posisyon ang depensa habang hinihintay ang pagkakataong makasagot sa mga alegasyon, lalo na’t may malaking dimensiyong pulitikal ang kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, iginiit niyang may sarili ring bersiyon ng mga pangyayari ang kampo ni Duterte na ilalahad sa tamang panahon.