
Muling nagbuga ng abo ang Kanlaon Volcano sa Negros Island noong Linggo ng umaga, Oktubre 11, kasunod ng pagsabog nito noong Sabado.
Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang unang ash emission dakong alas-1:28 ng madaling-araw, na umabot sa 400 metro ang taas at inanod pahilagang-kanluran. Nasundan ito ng isa pang pagbuga ng abo dakong alas-5:15 ng umaga, na umabot sa 600 metro at inanod pakanluran.
Naitala rin ang ash fall sa ilang lugar sa Negros Occidental, kabilang ang Don Salvador Benedicto at San Carlos City.
Sa kabila nito, nananatili sa Alert Level 2 ang bulkan habang patuloy na sinusuri ng PHIVOLCS ang kondisyon nito. Pinayuhan namang lumikas ang mga residente sa loob ng apat na kilometrong permanent danger zone.










