Patuloy ang isinasagawang monitoring ng kapulisan sa lalawigan Batanes kaugnay ng pananalasa ng super typhoon Leon.
Ito ay sa kabila na bahagyang humina ang dalang hangin at ulan ng nasabing bagyo ngayong araw na ito kumpara kagabi na binayo ang lalawigan ng malalakas na hangin at ulan.
Sinabi ni PCOL Giovanni Cejez ng PNP Batanes, nagkaroon ng landslides at kasalukuyan na ang clearing operations sa mga bayan ng Mahataw, Ivana, at Sabtang.
Idinagdag pa niya na nananatili sa evacuation centers ang nasa 199 families o 638 indivuals.
Sa kabila nito, sinabi ni Cejez na sapat pa ang supply ng mga pagkain at malinis na inuming tubig.
Ayon sa kanya, wala pa silang supply ng kuryente at ang ginagamit nila ngayon at generator sets kaya mahina ang signal ng komunikasyon at maging sa internet.
Sinabi pa ni Cejez na may 143 na stranded na mga turista sa Batanes.
Samantala, sinabi ni Lucy Alan, director ng DSWD Region 2 na nakikipag-ugnayan na sila sa Office of the Civil Defense para sa air asset na maaaring magamit para magdala ng 7,000 family food packs sa Batanes bukas.
Ayon kay Alan, nagkausap sila ni Governor Marilou Cayco at Congressman Ciriaco Gato at humihiling sila ng karagdagang family food packs dahil sa posibleng kukulangin ang mga nauna nang naipadala sa lalawigan noong panahon ng pananalasa ng bagyong Julian.
Bukod dito, sinabi ni Alan na may pupunta din na lupon sa Batanes upang tignan ang sitwasyon at pangangailangan ng mga apektado ng bagyong Leon.
Kaugnay nito, sinabi ni Alan, umaabot sa 66, 139 families o 223, 239 individuals ang naapektohan ng pananalasa ng bagyong Kristine at Leon sa region 2.