
Kinumpirma ni House Justice Committee chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro na maaari pang magsumite ng iba pang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte hangga’t hindi pa nairerefer sa kaniyang komite ang dalawang naunang reklamo.
Ayon kay Luistro, hindi pa nagsisimula ang one-year prohibition period dahil hindi pa kumikilos ang House plenary sa mga reklamo na kasalukuyang nasa tanggapan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Ipinaliwanag niya na magsisimula lamang ang initiation process at ang one-year ban sa sandaling mairefer ng Plenaryo ang impeachment complaint sa Justice Committee.
Sa ilalim ng House Rules, may hanggang sampung session days ang Office of the Speaker upang isama ang reklamo sa Order of Business, at tatlong session days naman upang tuluyang mairefer ito sa Justice Committee.
Hindi rin isinasantabi ni Luistro ang posibilidad na makakuha ng suporta ng mahigit isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara ang panibagong reklamo, na maaaring magpabilis sa proseso, gaya ng nangyari sa 2025 impeachment complaint laban kay VP Sara.
Gayunman, aniya, dapat itong mangyari bago mairefer ang dalawang naunang reklamo sa kaniyang komite.










